Ipinahayag ng pamilya ng yumaong dating Senate President Juan Ponce Enrile ang kanilang kalungkutan sa mga naging pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano hinggil sa umano’y malapit nilang ugnayan.
Sinabi ni Cayetano na dalawa lamang ang hindi niya kaanak na tinatawag niyang “Uncle,” kabilang si Enrile na aniya’y nakasama niya sa paglaki.
Gayunman, sa opisyal na pahayag na ibinahagi ni Katrina Ponce Enrile, iginiit ng pamilya na ang tunay na relasyon ay nasusukat hindi lamang sa mga salitang binibitawan sa publiko kundi sa presensya, sinseridad, at tahimik na pagpapakita ng respeto sa oras ng pagdadalamhati.
Binanggit ng pamilya na sa necrological services sa Senado at sa mga araw ng pagluluksa, malinaw nilang napansin kung sino ang dumalo at kung sino ang hindi.
Dahil dito, ang mga pahayag ng pagiging malapit ay nagdulot umano ng “kalungkutan at pagkadismaya.”
Dagdag pa ng pamilya, ang pamana at sakripisyo ni Enrile ay hindi dapat ginugunita lamang kapag ito ay magagamit sa pulitika o kapaki-pakinabang sa publiko.
“Our father’s legacy, sacrifices, and decades of service to the nation should never be revisited only when convenient, politically useful, or publicly advantageous,” ayon sa kanilang pahayag.
Sa kabila ng kanilang damdamin, nanindigan ang pamilya na patuloy nilang isinusulong ang “grace and restraint” na ipinamalas ni Enrile sa kanyang mahabang paglilingkod.
Nananalangin din sila na ang sinumang bumabanggit sa pangalan ng dating Senate President ay gawin ito nang may katapatan, konsistensya, at tunay na paggalang.













