Mariing tinutulan ng Makabayan Bloc sa Kongreso ang resolusyon ng Senado na nananawagan sa International Criminal Court (ICC) na ilagay sa house arrest si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa grupo, hindi ito makataong hakbang kundi isang pagtatangkang pagtakpan ang mga krimen ni Duterte kaugnay ng libo-libong extra-judicial killings sa ilalim ng war on drugs.
Tinawag ni Rep. Antonio Tinio ang resolusyon bilang “panlilinlang sa hustisya,” habang iginiit ni Rep. Renee Louise Co na ito ay “political maneuver” para protektahan si Duterte at ang kanyang mga kaalyado. Sinabi naman ni Rep. Sarah Elago na ito’y insulto sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay.
Binatikos din nila ang paglahok ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa resolusyon, na tinukoy sa ICC bilang posibleng kasabwat sa mga krimen.
Nanawagan ang Makabayan Bloc sa ICC na ituloy ang kaso laban kay Duterte at iginiit na ang house arrest ay insulto sa mga biktima ng pamamaslang.