Umabot sa mahigit 45,000 pasahero ang naitala ng Coast Guard District Bicol sa mga pantalan sa buong rehiyon simula noong Oktubre 29 ngayong panahon ng Undas.
Ayon kay Public Information Officer Lt. Jr. Grade Allysa Novie Bermal, nakapagtala sila ng 25,873 outbound passengers at 19,945 inbound passengers sa kanilang mga hurisdiksyon.
Mas marami ang naitalang outbound passengers dahil ang rehiyon ng Bicol ang pangunahing exit gateway patungong Visayas mula sa Southern Luzon.
Tiniyak ng kawanihan na walang naitalang major accidents sa lahat ng minomonitor na pantalan dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng mga security protocol at safety measures.
Nag-deploy ang PCG ng 563 personnel kasama ang 589 miyembro ng Deployable Response Group upang magbantay din sa mga beach areas at tourist destinations.
Inaasahan ang muling pagtaas ng passenger volume patungong Maynila kaya ipinaalala ng PCG sa publiko na tumangkilik lamang sa mga lehitimo at awtorisadong sasakyang pandagat.













