Kinumpirma ng Department of Justice ang tuluyang pagsasara ng operasyon ng kabuuang 41 Philippine Offshore Gaming Operators bago matapos ang 2024.
Ang DOJ ay bahagi ng binuong Task Force POGO Closure na nagsagawa ng pagpupulong sa unang pagkakataon nitong nakalipas na linggo.
Maliban sa DOJ, nagsisilbing miyembro rin ang Department of Labor and Employment, Presidential Anti-Organized Crime Commission at Bureau of Immigration.
Ayon sa DOJ, nagsabi na ang mga ito sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ng kanilang kahandaan upang itigil ang operasyon, kasabay na rin ng naging kautusan ni PBBM.
Bago nito ay nagbigay ang DOJ ng palugit para sa mga foreign worker ng POGO na lisanin na ang bansa hanggang sa Oktubre-15.
Pagsapit ng Oktubre-16, lahat ng mga pre-arranged employment visa o 9G visa na ibinibigay sa mga foreign POGO worker ay ma-downgrade na sa tourist visa.
Ang non-compliance o hindi pagsunod dito ay nangangahulugan ng sapilitang repatriation.
Ayon naman sa Task Force, susundin nito ang ‘streamlined and systematic approach’ sa pagbabawal sa mga POGO upang magkaroon ng maayos na implementasyon sa naunang kautusan ni PBBM.