BACOLOD CITY – Hindi bababa sa 200 na iba’t ibang uri ng baril ang isinuko ng dating mga miyembro ng breakaway faction ng New People’s Army (NPA) sa Negros Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Negros Occidental Police Provincial Office spokesperson Major Edison Garcia, tinatayang aabot sa 200 hanggang 250 na mga short at long firearms ang isinuko ng Tabara-Paduano Group ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade (RPM-P/RPA-ABB).
Ito ay kasabay ng simultaneous o sabay-sabay na seremonya na isinagawa sa iba’t-ibang bahagi ng Negros Occidental kagaya ng Cadiz, San Carlos, Escalante at Kabankalan City.
Maliban sa mga baril, may isinuko ring mga eksplosibo at ammunitions kahapon.
Ito ay bahagi ng peace talks sa gitna ng Tabara-Paduano group at ng gobyerno sa pamamagitan ng Office of the Presidential Adviser on Peace Process (OPAPP) kung saan napagkasunduan na i-decommission ang mga armas ng kanilang mga miyembro.
Ayon kay Garcia, matagal na proseso ang dinaanan kung saan isinailalim sa validation ang mga armas bago ang decommissioning.
Tumulong din ang Philippine National Police at Philippine Army na siyang nag-secure sa mga baril na isinuko.