Inihayag ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. na aabot sa mahigit dalawang libong mga pulis ang napatawan na ng kaparusahan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa datos na inilabas ni Sec. Abalos sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw sa camp crame, pumalo na sa kabuuang 2,304 na mga tiwaling pulis ang pinarusahan mula noong Hulyo 1, 2022 hanggang Agosto 2, 2023.
Kabilang sa mga penalties na kinaharap ng mga ito ay ang dismissal from the service, demotion, suspension, forfeiture of salary, reprimand, restrictions, at withholding of privileges.
Paliwanag ng kalihim, ang naturang aktibidad ay bahagi ng ginagawang mas maigting na paglilinis ng pamahalaan sa buong hanay ng kapulisan mula sa katiwalian at ilegal na gawain at iregularidad.
Ngunit kasabay nito ay tiniyak naman niya na sa kabila nito ay nananatili pa ring tapat at maayos sa kanilang serbisyo’t tungkulin ang karamihan sa mga tauhan ng pnp kasabay ng pagbibigay-diin na ang mga nakasuhang pulis ay wala pa sa isang porsiyento ng kabuuang 228,000 na mga tauhan ng pambansang pulisya.