-- Advertisements --

Sa kabila ng masamang panahon, tinatayang 2,500 katao ang lumahok sa paggunita ng ika-53 anibersaryo ng Martial Law sa Bacolod City nitong Linggo, Setyembre 21.

Suot ang mga itim at puting kasuotan, humigit-kumulang 1,000 katao —kabilang ang mga grupo mula sa simbahan, dating opisyal ng gobyerno, kabataan, at aktibista ang nagmartsa mula South Capitol Road sa Barangay 8 patungong Bacolod Public Plaza. Bitbit nila ang mga plakard na tumutuligsa sa korapsyon at mahinang pamamahala.

Ayon kay Police Lt. Col. Joem Malong, tagapagsalita ng Police Regional Office–Negros Island Region (PRO-NIR), umabot sa 2,500 ang dami ng mga dumalo sa plaza pagsapit ng hapon.

Samantala, nagsagawa rin ng hiwalay na motorcade ang mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may temang “Bring Duterte Home.” Humigit-kumulang 80 katao ang lumahok gamit ang 20 sasakyan at 50 motorsiklo.

Sa Dumaguete City, Negros Oriental, isang peace rally at motorcade rin ang isinagawa sa Freedom Park na nilahukan ng 200 katao. Walang naitalang protesta sa Siquijor, ayon sa PRO-NIR.

Wala ding naiulat na insidente sa lahat ng pagtitipon.