-- Advertisements --

Sa gitna ng patuloy na pag-aray sa mataas na presyo ng petrolyo, umarangkada na ngayong Lunes ang biyahe ng nasa mahigit 19,000 na pampasaherong sasakyan sa buong bansa na nakilahok sa Service Contracting Program (SCP) ng pamahalaan.

Batay sa datos ng Department of Transportation (DOTr), kabilang sa mga nagparehistro ang mga traditional at modern jeepneys, gayundin ang mga UV Express units.

Sa ilalim ng nasabing programa, direktang babayaran ng gobyerno ang mga drayber base sa distansya ng kanilang biyahe.

Makakatanggap ng P30 kada kilometro ang mga traditional jeepneys, P40 kada kilometro sa mga modern jeepneys, at P100 kada kilometro para sa mga bus.

Bibiyahe ang mga nakakontratang tsuper sa mahigit 800 high-density routes nationwide, kung saan 545 rito ay matatagpuan sa Metro Manila at mga karatig-probinsya tulad ng Cavite, Laguna, at Rizal.

Upang makasali, inaatasan ang mga tsuper na bumiyahe ng hindi bababa sa 100 kilometro araw-araw at magkaloob ng 20% fare discount sa mga pasahero. Tatagal ang programa ng dalawa hanggang tatlong linggo.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., ipapatupad ang SCP tuwing off-peak hours upang masigurong may masasakyan ang mga komyuter kahit tapos na ang rush hours.