BACOLOD CITY — Liban sa transport sector, nakilahok din ang kaparian at iba’t ibang grupo sa malawakang transport strike na isinagawa kahapon sa lungsod ng Bacolod.
Kabilang sa mga lumahok ang grupong AMLIG Tubig at AMLIG Kuryente, kabataan, mga manggagawa, Council of Concerned Citizens (C3), at ang One Negros Ecumenical Council (ONEC) na binubuo ng mga kaparian, kasama pa ang iba’t ibang sektor ng lipunan.
Nagdaos ng magkakahiwalay na protesta ang mga transport group:
Bacolod Alliance of Commuters, Operators, and Drivers (BACOD-Manibela) sa Bata flyover
Kabacod Negros Transport Organization (KNETCO-Piston) sa Magsaysay flyover
Pare-pareho ang kanilang panawagan: tanggalin ang excise tax sa diesel at gasolina.
Maging ang kaparian ay aktibong nakilahok. Si Fr. Arman Onion, Island Coordinator ng ONEC, ay sumakay pa sa isang tricycle na may tarpaulin na “Tricycle ni Maria,” habang bitbit ang rebulto ng Birhen Maria bilang simbolo ng kanilang panawagan.
Samantala, iginiit ni Christian Weber, lead convenor ng AMLIG Tubig at AMLIG Kuryente, na hindi lamang produktong petrolyo ang dapat bawasan ng buwis, kundi pati tubig at kuryente.
Ayon naman kay Rudy Catedral, presidente ng BACOD-Manibela, ayaw nilang mahirapan ang mga pasahero, ngunit ito ang tanging paraan upang maiparating sa pamahalaan ang kanilang hinaing. Dagdag pa niya, dapat ding taasan ang sahod ng mga manggagawa upang makadagdag ng pasaheng maibabayad sa transport sector.
Sa kabilang banda, nanawagan si Lilian Sembrano, presidente ng KNETCO-Piston, kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag magbingi-bingihan at dinggin ang kanilang sigaw. Aniya, bilyon-bilyon ang kinikita ng mga fuel companies sa patuloy na pagtaas ng presyo, habang kakarampot lamang ang ibinabawas tuwing may rollback.
















