-- Advertisements --

Iginiit ng Digital Pinoys na kailangang sabayan ng full digitalization ang pinaigting na kampanya laban sa fixers ng Land Transportation Office (LTO) upang tuluyang masugpo ang ilegal na gawain.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Ronald Gustilo, Digital Pinoys campaigner, binigyang-diin nito na bagama’t mahalaga ang enforcement operations, hindi ito sapat kung hindi maaayos ang mismong sistema ng ahensya.

Ayonkay Gustilo, nananatiling ugat ng fixing ang mabagal na proseso, kakulangan sa transparency, at hindi malinaw na mga patakaran.

Dahil dito, itinutulak nila ang pagpapatupad ng end-to-end online transactions, real-time tracking, cashless payments, at automated verification upang mabawasan ang pagkakataon ng katiwalian.

Gayunman, binigyang-diin na dapat maging maaasahan at accessible ang mga digital platform.

Kung patuloy aniya ang aberya sa sistema, maaari pa ring umasa ang publiko sa fixers.

Iminungkahi rin ng grupo ang mas mahigpit na internal monitoring at pananagutan sa loob ng LTO laban sa mga empleyadong sangkot sa ilegal na aktibidad.

Nanawagan naman ito sa publiko na huwag tangkilikin ang fixer at ireport ang anumang uri ng korapsyon.