-- Advertisements --

Muling ipatutupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang service contracting program para sa mga driver ng public utility vehicles (PUV) upang matulungan silang makayanan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon sa LTFRB, ilulunsad ang programa sa piling ruta sa Metro Manila at iba pang urban areas upang matiyak ang tuloy-tuloy na biyahe ng mga commuter.

Naging limitado ang operasyon ng ilang PUV dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis mula nang sumiklab ang digmaan sa Iran noong Pebrero 28.

Sinabi ni acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na humiling na ang kanilang ahensya ng P1 billion sa Department of Budget and Management (DBM) para sa target na implementasyon ng programa sa Abril 15, 2026.

Saklaw ng programa ang mga bus sa EDSA, mga jeep na bumibiyahe malapit sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT), pati na rin ang iba pang PUV na dumaraan sa mga pangunahing transport hubs sa Metro Manila.

Ipapatupad din ang naturang programa sa Davao City, Cagayan de Oro City, at iba pang urban areas.

Unang ipinatupad ang service contracting noong 2020 sa ilalim ng Republic Act No. 11494 bilang tugon sa epekto ng pandemya, kung saan binibigyan ng lingguhang subsidy ang mga driver base sa kanilang biyahe.