-- Advertisements --

Nasagip ng Philippine National Police (PNP) ang isang 78-anyos na biktima ng kidnapping sa isang operasyon kontra-kidnapping sa Macapagal Boulevard, Parañaque City noong Miyerkules ng gabi.

Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), nagsagawa ng operasyon ang PNP–Anti-Kidnapping Group (AKG) bandang pasado alas-7 ng gabi. Sa operasyon, nauwi ito sa palitan ng putok matapos umanong maglaban ang mga suspek.

Apat na hinihinalang kidnaper na sakay ng isang SUV ang tinamaan ng bala at agad na isinugod sa ospital.

Hindi pa inilalabas ang kanilang pagkakakilanlan at kalagayan hanggang sa ngayon. Isang pulis rin ang nasugatan sa engkuwentro.

Sinabi ng PNP na ang pangunahing layunin ng operasyon ay ang ligtas na pagsagip sa biktima, na matagumpay namang naisagawa.

Apektado naman ang trapiko sa lugar matapos i-cordon off ang ilang linya ng Macapagal Boulevard habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ayon sa ilang saksi, nagulantang sila sa insidente at agad na dumapa upang makaiwas sa posibleng ligaw na bala.

Patuloy ang follow-up at hot pursuit operations ng pulisya upang matukoy at maaresto ang iba pang sangkot sa insidente.