Sumailalim na sa inquest proceedings ang 213 kataong inaresto sa isang kilos-protesta sa Sucat, Muntinlupa City noong Nov. 15, kasabay ng pagbubukas ng 49th ASEAN Summit, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sa pahayag ng NCRPO, naisumite na sa tanggapan ng mga piskal ang mga reklamo at kaugnay na dokumento para matukoy kung may sapat na batayan upang sampahan ng kaukulang kaso ang mga inaresto.
Kinumpirma rin ni Philippine National Police spokesperson Police Brigadier General Allen Rae Co na sumailalim sa inquest ang walong iba pang indibidwal na inaresto sa Ermita, Maynila. May apat pa umanong raliyista na inaresto sa Liwasang Bonifacio noong Lunes na kakasuhan din.
Kabilang sa mga inaresto sa Muntinlupa ang mga miyembro ng mga grupong lumahok sa protesta laban sa mga patakaran ng pamahalaan at sa pagbisita ng mga lider sa bansa para sa ASEAN Summit.
Samantala, kinuwestiyon ng National Union of People’s Lawyers ang tagal ng pagkakadetine sa mga raliyista at iginiit na lumampas umano ito sa itinakdang 18 oras bago maisailalim sa inquest proceedings.
Itinanggi naman ng Southern Police District ang alegasyon ng illegal detention. Ipinaliwanag ng pulisya na natagalan ang pagproseso dahil sa dami ng mga inaresto at sa mga kailangang rebisyon sa mga dokumentong isinumite sa piskalya.
Binigyang-diin naman ng NCRPO na hindi nangangahulugang nagkasala na ang mga inaresto dahil lamang sa kanilang pagkakadakip. Nananatili ang kanilang karapatan sa due process at presumption of innocence habang nagpapatuloy ang pagsusuri ng mga awtoridad.















