Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police (PNP) sa Federal Bureau of Investigation (FBI) upang matunton at madakip ang isang Pilipino na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Amerika dahil sa kasong pang-aabuso sa mga menor de edad gamit ang online gaming at social media.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., naghahanda na ang kanilang hanay upang magbigay ng buong kooperasyon sa Estados Unidos para matugis ang suspek na kinilalang si Austin Jan Sy Yatco.
Naglabas ng wanted poster ang tanggapan ng FBI sa Dallas at nag-alok ng $25,000 na pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magreresulta sa pagkaaresto ni Yatco.
Ang suspek ay isinilang noong Agosto 1998 sa San Pedro, Laguna.
Nahaharap si Yatco sa mga kasong sexual exploitation of children, pati na rin sa pag-iingat at pamamahagi ng child sexual abuse material.
Sinasabing bahagi siya ng isang sindikato na pumilit sa mga menor de edad na gumawa ng mga malalaswang materyal na ibinahagi sa isang online network mula 2019 hanggang 2021.
Matatandaang naglabas ng federal arrest warrant ang US District Court for the Eastern District of New York sa Brooklyn laban kay Yatco noong Enero 23.
Pinaniniwalaan ng FBI na kasalukuyang nagtatago sa Pilipinas ang suspek, na may kaugnayan din sa Plano, Texas.
Tiniyak ni Nartatez na nakakasa na ang kanilang mga specialized units para sa posibleng cyber and ground operations laban sa suspek.
















