-- Advertisements --

Hiniling na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga transport leader ang listahan ng mga tsuper at conductor na hindi pa nakakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.

Ito ay kasunod ng mga ulat mula sa mga driver ng pampublikong sasakyan na hindi pa nakakatanggap ng tulong, mula noong sinimulan ng gobiyerno ang pagbibigay ng ayuda dahil sa epekto ng oil crisis sa transport sector.

Apela ni LTFRB chief Vigor Mendoza II, dapat ay isumite na ng mga transport leader ang listahan ng mga pangalan sa lalong madaling panahon upang agad itong matugunan ng ahensiya.

Mahalaga aniyang magawa ito kaagad ng mga transport leader upang maging mabilisan din ang paglalaan at paghahanap ng ahensiya ng sapat na pondo para sa mga driver at conductor.

Nitong kalagitnaan ng Marso nang sinimulan ng PH government ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga tsuper at mga conductor dahil sa oil crisis dulot ng giyera sa Gitnang Silangan.

Ngayong lingo ay sinimulan din ng gobiyerno ang mas malawak na rollout ng naturang subsidiya. (report by Bombo Jai)