Personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang implementasyon ng Service Contracting Program (SCP) ng Department of Transportation sa Araneta Center Bus Terminal sa Cubao, Quezon City ngayong araw, Abril 20. Kasama niyang nag-inspeksyon ay DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez at LTFRB Chairman Vigor Mendoza.
Ang Service Contracting Program ay nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga operator ng public utility vehicles (PUVs) kapalit ng pagsunod sa itinakdang ruta, sapat na biyahe, at pagbibigay ng diskuwento sa pamasahe.
Sakop ng programa ang mga jeepney, UV Express, at bus sa 545 ruta sa Metro Manila at ilang pangunahing rehiyon. Layunin nitong mapanatili ang operasyon ng mga sasakyan at mapagaan ang gastusin ng mga commuter sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa Pangulo, magpapatuloy ang suporta ng pamahalaan hangga’t nananatiling mataas ang presyo ng langis, na may kaugnayan sa tensyon sa Gitnang Silangan. Tinatayang aabot sa 20,000 sasakyan ang lalahok sa programa.
Pinag-aaralan ng pamahalaan ang iba pang hakbang upang mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa transport sector at sa publiko. Tiniyak din niya ang tulong sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na maaaring maapektuhan ng sitwasyon sa Gitnang Silangan, kabilang ang repatriation at livelihood support.
















