-- Advertisements --

Umabot sa mahigit 100 indibidwal ang inilikas sa Negros Oriental dahil sa mga nararanasang malalakas na pag-ulan sa nakalipas na mga araw dulot ng habagat na pinalakas pa ng bagyong Crising.

Sa naturang bilang, 5 pamilya ang mula sa bayan ng Siaton, 10 indibidwal sa La Libertad, habang 82 indibidwal naman ang mula sa Bayawan City.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Office of Civil Defense – Negros Island Region Director Donato Sermeno III, sinabi niya na sa kabila pa ng masamang lagay ng panahong nararanasan sa lalawigan, pagbaha, at pagguho ng lupa ay wala naman umanong naitalang sugatan o mga casualty.

Iniulat naman ni Sermeno na nakauwi na sa kani-kanilang mga bahay kahapon, Hulyo 18, ang karamihan sa mga evacuees.

Samantala, inihayag nito na naka red alert ang Office of Civil Defense-NIR at 24/7 ang kanilang pagmonitor sa sitwasyon.

Pagtitiyak pa nito na hangga’t hindi pa nakakalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Crising o Kahit nakalabas na ngunit patuloy pa rin ang malakas na mga pag-ulan ay patuloy din aniy ang kanilang monitoring.

Nanawagan pa ito sa publiko na patuloy na makipag-ugnayan sa mga local officials at sumunod sa mga abiso upang maiwasan ang sakuna.

Siniguro din nito na handa ang ahensya na magbigay ng tulong sa mga local government units kung saan may mga nakaprepositioned na mga food at non-food items din naman umano sila para sa mga ito kung kinakailangan.