CAUAYAN CITY – Dinakip ang isang magsasaka matapos na masangkot sa panggugulo at masamsaman ng iligal na droga habang inaawat ng mga Brgy. Tanod sa Brgy. Ballacung, Ilagan City.
Ang suspect ay si Rosendo Salvador,56- taong gulang, may asawa, magsasaka at residente ng nabanggit na barangay.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa City of Ilagan Police Station, bago ang pag-aresto sa suspek ay inawat pa siya ng mga rumispondeng Brgy. Tanod dahil sa hawak niyang kutsilyo at pinagbantaan ang isang lalaki na mula rin sa naturang barangay.
Dahil dito napilitan ang mga opisyal ng barangay na humingi ng tulong sa mga pulis dahil bukod sa pabalik-balik si Salvador sa isang kalsada sa kanilang barangay gamit ang isang motorsiklo dahilan para mabulabog ang mga residente ay mayroon din siyang hawak na patalim.
Sa kabila nito, bago ang pagdating ng mga pulis ay nadakip na ang suspek ng mga Brgy. Tanod.
Habang kinukuha ng suspect ang kanyang pitaka ay nalaglag ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu.
Nakuha kay Salvador ang isang kutsilyo, dalawang sachet ng iligal na droga, pera at isang cellphone.
Aminado ang suspect na nasa impluwensiya siya ng nakalalasing na inumin subalit mariing itinanggi na sa kanya ang mga narekober na droga.
Patung-patong na kaso ang kinakaharap ni Salvador tulad ng Alarm and Scandal, paglabag sa Batas Pambansa 6 (Illegal possession of bladed weapon) at paglabag sa Republic Act 9165 ( Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ).