-- Advertisements --

Inanunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) na magkakaroon ng dagdag-singil sa kuryente ngayong Agosto na aabot sa P0.6268 ang kada kilowatt-hour (kWh).

Dahil dito, ang kabuuang rate para sa karaniwang bahay ay tataas mula P12.6435 noong Hulyo patungong P13.2703 kada kWh ngayong buwan.

Ayon sa Meralco, ang mga residential customer na kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan ay maaaring makaranas ng dagdag na halos P125 sa kanilang bill.

Paliwanag ng Meralco na tumaas ng P0.3749/kWh ang singil mula sa Independent Power Producers (IPPs) at Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Gayundin ang singil mula sa IPPs na tumaas ng P0.9476/kWh dahil sa paghina ng piso kontra dolyar ng halos P2.00.

Nagtaas din ng P0.1270/kWh ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil sa mas mataas na Maximum Allowable Revenue (MAR) nito at pag-kolekta ng under-recovery mula 2016 hanggang 2022, alinsunod sa pag-apruba ng Energy Regulatory Commission (ERC).