CENTRAL MINDANAO-Patay na nang matagpuan ang magpinsan nang malunod sa ilog sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga biktima na sina Jerald Quidores at Loida Calibayan,pawang 16 anyos at mga residente ng Brgy Pentil Aleosan North Cotabato.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Bernard Tayong ang tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office na pagkatapos ng moving up o pagtatapos sa high school ng mga biktima ay pumunta sila sa bahay ng kanilang kamag-anak na may handaan sa Brgy Pentil Aleosan Cotabato.

Pagkatapos kumain ay pumunta sa Pentil river ang magpinsan at isa pa nilang kamag-anak.

Ang mga biktima ay bigla na lamang sumigaw ng tulong nang inanod sa malalim na bahagi ng ilog.

Tinangka pa na iligtas ng isang kapatid ng mga nasawi ang mga biktima ngunit tuluyan na itong nalunod.

Humingi ng saklolo ang kasama ng magpinsan sa mga residente at natagpuan na lamang ang bangkay nito sa gilid ng ilog.

Matatandaan na halos taon-taon ay may nasawi sa pentil river kaya nagpaalala ang mga Barangay Opisyal na iwasan o mag-ingat sa paliligo sa ilog.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Aleosan PNP sa naturang pangyayari.