Niyanig ng malakas na lindol na may magnitude na 7.0 ang timog na bahagi ng Mindanao kaniang alas-7:37 ng umaga.
Ayon sa ulat ng PHIVOLCS, natukoy ang sentro ng lindol sa layong 13 kilometro timog-kanluran ng General Santos City at may lalim na 10 kilometro.
Naitala ang pinakamalakas na pagyanig sa General Santos City na umabot sa Intensity VII, habang Intensity VI naman ang naramdaman sa Palimbang at Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat. Sa Davao City, Kidapawan, Carmen (Cotabato), at ilang bayan sa Sultan Kudarat at Zamboanga del Norte ay umabot sa Intensity V. Katamtamang pagyanig na Intensity IV ang naramdaman sa Mati City, Buug, Caraga, Manay, at Tarragona, habang Intensity III naman sa Butuan City, Mainit, Dapitan City, at ilang bayan sa Zamboanga del Sur. Mas mahina ngunit ramdam pa rin ang lindol sa ilang bahagi ng Zamboanga del Norte, Zamboanga Sibugay, Leyte, at Southern Leyte na nasa Intensity II.
Sa instrumental readings, nakapagtala ng Intensity VII sa Koronadal City at Santa Maria, Davao Occidental; Intensity V sa Davao City; Intensity III sa Abuyog, Leyte; at Intensity II sa San Francisco at Dulag, Leyte.
Nagbabala ang PHIVOLCS na maaaring magkaroon ng aftershocks sa mga susunod na oras o araw.
Pinapayuhan ang mga residente na manatiling alerto, umiwas sa mga gusaling may pinsala, at maghanda ng emergency kit para sa kaligtasan.
















