KALIBO, Aklan – Sabay na namatay ang mag-ina makaraang tamaan ng kidlat sa Sitio Kilohan, Brgy. Fulgencio, Balete, Aklan.

Ayon kay P/CMSgt. Jerick Dadivas ng Balete Police Station, pasado alas-2:00 ng hapon nang lumabas ng bahay ang mag-ina upang sahurin ang tubig-ulan kasabay sa pagbuhos ng malakas na ulan na may kasamang malalakas na kulog at kidlat.

Tumama ang kidlat sa antenna ng kanilang telebisyon sa gilid ng kanilang bahay hanggang sa tinamaan nito ang biktimang si Gina Inocencio, 41, at anak na si Regina Inocencio, siyam na taong gulang.

Sugatan ang mag-ina na parehong isinugod sa Aklan Provincial Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.