-- Advertisements --

Nagsampa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng maraming kaso ng paglabag sa batas ng pagbabayad ng buwis, o tax evasion, laban kina Pacifico “Curlee” Discaya II, Cezarah Rowena “Sarah” Cruz Discaya, at sa isang opisyal ng korporasyon na naglilingkod sa St. Gerrard Construction.

Ayon sa pahayag ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., ang kabuuang halaga ng kanilang hindi nabayarang buwis, o tax liability, ay umaabot sa tinatayang ₱7.1 bilyong piso.

Ang nasabing halaga ay binubuo ng ilang uri ng buwis na hindi umano nabayaran mula taong 2018 hanggang 2021.

Kabilang dito ang income tax, na buwis sa kita, excise tax na ipinapataw sa siyam na luxury vehicles o mga mamahaling sasakyan, at ang documentary stamp tax na may kaugnayan sa umano’y divestment o pag-aalis ng interes mula sa apat na construction firms o mga kompanya ng konstruksyon.

Ibinunyag pa ng BIR na wala silang natagpuang anumang record o dokumento na nagpapatunay na nagbayad ang mag-asawang Discaya ng documentary stamp tax.

Dahil dito, pinaniniwalaan ng BIR na hindi tunay o hindi totoo ang kanilang ginawang pag-divest mula sa nasabing mga kumpanya.

Ibig sabihin, maaaring nagpanggap lamang sila na inalis ang kanilang interes sa mga kumpanya upang makaiwas sa pagbabayad ng tamang buwis.

Tiniyak ni Commissioner Lumagui sa publiko na kanyang sisiguraduhin na maipapakulong ang mag-asawang Discaya at ang iba pang mga opisyales ng mga kumpanya nito.