DAGUPAN CITY – Patay ang mag-asawa habang kritikal ang kanilang anak matapos salpukin ng SUV ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Magallanes Bridge sa bayan ng Tayug, Pangasinan.

Sa lakas ng salpukan, napitpit at pumailalim pa sa SUV ang motorsiklo.

Patay ang drayber ng motorsiklo na si Henry Villanueva at asawa niyang si Rosie Villanueva na tumilapon at nahulog mula sa tulay.

Kritikal naman ang isang taong gulang nilang anak na si Prince Hannese na hawak ng kanyang ina habang angkas ng motorsiklo.

Nadala pa sila sa ospital subalit, kalaunan ay namatay ang mag-asawa.

Ayon sa imbestigasyon, magkasalubong ang direksyon ng dalawang sasakyan.

Unang nasagi ng SUV ang motorsiklo na nasa unahan ng sinakyang motorsiklo ng mga biktima.

Nawalan ng control sa manibela ang drayber ng SUV kaya sumalpok sa kanila.

Aminado naman ang drayber ng SUV na si Mark Anthony Magat na nakainom siya nang mangyari ang aksidente.

Mahaharap sa kaukolang kaso ang driver ng SUV.