LAOAG CITY – Binangga ng isang SUV ang maraming tao sa Lapu Lapu Day Block Party sa Vancouver, Canada.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Hector Baytec mula sa Vancouver, Canada, ang driver ng itim na SUV ay isang lalaking pinaniniwalaang nasa edad 20 at hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung Vietnamese, Korean o Chinese national.
Aniya, bandang alas-8 ng gabi noong Sabado, oras sa Canada nang biglang bumangga ang SUV sa mga dumalo sa Lapu Lapu Day Block Party.
Dahil dito, may mga naitalang namatay at nasugatan kung saan lumalabas na may mga ilang Pilipino ang kasama rito.
Gayunpaman, aniya ay patuloy pa rin ang pagbeberipika ng imbestigasyon sa insidente.
Aniya, karamihan sa mga tao ay naghihintay sa mga food truck na nakapwesto sa gilid ng kalsada.
Sinabi ni Baytec na isa sa mga organizer ng event ang nag-alok sa kanya ng libreng stall ngunit hindi siya pumunta dahil masama ang pakiramdam niya.
Samantala, taunang ipinagdiriwang ang Lapu Lapu Day Block Party bilang pagpupugay sa unang bayani ng Pilipinas na dinaluhan ng libu-libong tao.
Sa ngayon, nakakulong ang suspek at haharap sa kaukulang kaso.