-- Advertisements --

Maaaring maging dahilan ng pagtatanggal sa serbisyo ng isang pampublikong opisyal ang pagkakaroon ng unexplained wealth o hindi maipaliwanag na yaman, ayon sa pahayag ni dating Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang ngayong Lunes, Setyembre 14.

Isinagawa ni Tang ang kaniyang testimonya sa ika-24 na araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, kung saan iniharap siya ng prosecution bilang eksperto sa mga batas ukol sa public accountability, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Civil Forfeiture Law, at pagdeklara ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Pinalagan ng defense panel ang kaniyang pagtestigo, ngunit nilinaw ni Impeachment Court Presiding Officer Senator Francis Escudero na hindi nagbibigay si Tang ng opinyon ukol sa mga partikular na akusasyon laban kay Duterte, kundi naglalahad lamang ng pangkalahatang legal framework kung paano tinatasa ng korte ang mga ari-ariang nakuha habang nasa serbisyo.

Ipinaliwanag ni Tang na sa ilalim ng Republic Act 1379 at Republic Act 3019, itinuturing na unlawfully acquired ang ari-ariang tahasang lampas sa sahod at legal na kita ng opisyal.

Gayunman, nilinaw niyang ang presumption na ito ay rebuttable o maaaring pasubalian at mapawalang-bisa kapag maayos na naipaliwanag at naisumite ng opisyal ang legal na pinagmulan nito.

Iniharap si Tang sa ilalim ng Article 2 ng impeachment complaint na nag-aakusa kay Duterte ng akumulasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, hindi kompletong pagdedeklara ng mga ari-arian sa kaniyang SALNs mula 2019 hanggang 2024, at patuloy na pakikilahok sa mga negosyo habang nanunungkulan bilang bise presidente.