Nagpalabas ng anunsyo ang pamahalaang lokal ng Cotabato City ukol sa schedule ng pasok ng mga mag-aaral at manggagawa mula Setyembre 15 hanggang Setyembre 18 bilang bahagi ng mga precautionary measure sa lungsod.
Layunin ng panuntunan na bigyang-daan ang masinsinang imbestigasyon ng mga awtoridad kasunod ng mga naitalang insidente ng karahasan sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections.
Sa panig ng pamahalaang lungsod, ipapatupad ang work-from-home arrangement para sa kaniyang mga empleyado sa mga nabanggit na petsa, maliban sa mga nakatalaga sa essential, health, emergency, disaster response, security, peace and order, at mga basic frontline service.
Suspendido naman ang in-person classes at nakatakdang eksaminasyon sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan, ngunit pinapayuhan ang mga pasilidad na magpatupad ng asynchronous learning.
Samantala, inihahabilin na sa pamunuan ng mga pribadong kumpanya at tanggapan ang pagpapasya sa iskedyul ng trabaho ng kaniyang mga manggagawa sa loob ng apat na araw.
Pinayuhan ng City LGU ang mga mamamayan ng Cotabato City na manatiling kalmado, maging maingat, at tumutok lamang sa mga beripikadong balita at opisyal na anunsyo ng pamahalaan.
















