Nagpadala ang gobyerno ng mga sundalo sa itinuturing na “hot spots” sa Maguindanao at sa mga karatig na probinsiya bago ang nakatakdang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Setyembre 14.
Ayon sa Philippine Army, pinaigting pa ang mga operasyon ng military at police units sa mga natukoy na hot spots o conflict-prone areas para matiyak ang mapayapang halalan.
Kaugnay nito, inilagay na sa heaightened alert ang 6th Infantry Division ng Philippine Army at maigting na nakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) para masiguro ang kaligtasan ng mga komunidad na may kasaysayan ng election-related violence.
Bukod dito, in-adopt na ng Joint Task Force Central ang isang proaktibong estratehiya na nakatuon sa early threat detection at rapid response, at hindi lamang pagtugon sa mga insidente.
Pinakalat din ang mga sundalo sa mga rural towns at mga barangay kabilang na sa mga lugar na mayroong political rivalries na madalas nauuwi sa armadong labanan, sa Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, probinsiya ng Cotabato at Cotabato City.
Pinalakas din ng mga awtoridad ng intelligence operations, pagbibigay ng tips o impormasyon ng komunidad kaakibat ang formal surveillance para matunton ang natitirang extremist at pribadong armadong grupo.
Pinaigting din ang checkpoint visibility at foot patrols ng security forces para mapigilan ang mga banta kasabay ng pagpapalakas ng monitoring operations para maiwasan ang karahasan nang hindi naalarma ang mga residente.
















