Nasa 95% na ang kahandaan ng Commission on Elections (Comelec) sa nalalapit na parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa kabila ng nangyaring ambush, isang linggo na ang nakakalipas, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na hindi maaapektuhan ang ginagawang paghahanda ng komisyon para maging matagumpay ang nakatakdang halalan.
Paglilinaw ng opisyal, bagaman nakababahala ang nangyaring ambush, magpapatuloy pa rin ang mga nakatakdang aktibidad tulad ng deployment ng mga balota sa iba’t-ibang lugar, localize preparations sa bawat Comelec office, at paghahanda sa mga gagamiting presinto.
Nauna nang nakumpleto ang deployment sa Tawi-Tawi at Basilan, habang target ding matapos ang deployment ng lahat ng mga balota at iba pang mga kagamitan, bago matapos ang Agosto.
Sa unang linggo ng Setyembre, nais ng komisyon na naka-standby na sa lahat ng munisipyo ang lahat ng mga kagamitang magagamit sa halalan.
Nilinaw din ni Chairman Garcia na tuloy ang isasagawang final security briefing sa susunod na linggo kung saan personal siyang magtutungo sa Bangsamoro Region.
Kasama ng opisyal ang mga pinuno ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at Philippine Coast Guard, upang pag-usapan ang latag ng seguridad, bago, habang, at pagkatapos ng mismong halalan.
Ilang lugar sa BARMM ang inaasahan ding tutunguhin ng convoy.
Nakatakdang isagawa ang pinakaunang parliamentary elections sa naturang rehiyon sa Setyembre 14.














