Gumastos na ng mahigit P8 billion ang Commission on Elections (Comelec) sa patuloy nitong paghahanda para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ang naturang halalan ay nakatakda sa unang linggo ng Nobiyembre 2026, ngunit may panukalang muli itong ipagpaliban.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Comelec Chair George Garcia, iginiit niyang malaking bahagi ng pondo ng komisyon ang ginugol na sa paghahanda sa mga election paraphernalia tulad ng pag-imprenta ng balota.
Sa ngayon ay mayroon pang nalalabing P11 billion na pondo para na inilaan ng komisyon bilang honoraria sa mga gurong magsisilbi sa halalan, pondo para sa kanilang training, at magagamit sa deployment sa mga kagamitan, kinalaunan.
Nakatakdang dinggin ng Senado sa mga susunod na linggo ang panukalang pagpapaliban sa BSKE 2026, at ayon kay Garcia, haharap siya sa naturang pagdinig upang ihayag at ilahad ang kahandaan ng komisyon.
Ayon kay Chairman Garcia, hangga’t hindi kinakansela ang halalan ay magtutuloy ang paghahanda ng komisyon, kasama na ang pagbuo ng ilang contingency measures.
Nataon kasi na panahon ng mga pagbaha ang Nobiyembre at nais ng komisyon na may nakahanay na contingency plans kung sakaling may mga pagbaha na mararanasan bago at sa mismong araw ng halalan.
Halos 70 million Pilipino ang kwalipikadong makaboto sa BSKE 2026, batay sa record ng COMELEC.















