-- Advertisements --

Inaalerto ang power consumers ngayong Huwebes, Mayo 14, 2026, dahil parehong Luzon at Visayas grids ang isasailalim sa red at yellow alert status dahil sa forced outages at derated capacities ng ilang planta, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Sa Luzon, may available capacity na 12,479 megawatts kumpara sa peak demand na 12,595 megawatts, habang sa Visayas ay 2,413 megawatts lamang laban sa peak demand na 2,541 megawatts.

Naitala ang outages sa 17 planta sa Luzon at 11 planta sa Visayas, bukod pa sa mga naunang outage mula 2025, 2024, at iba pang taon, habang mahigit 4,242.5 megawatts sa Luzon at 866.7 megawatts sa Visayas ang hindi magagamit dahil sa derated capacities.

Ang red alert ay nangangahulugang kulang ang suplay ng kuryente upang matugunan ang demand, samantalang ang yellow alert ay indikasyon ng manipis na reserbang kuryente.

Dahil dito, posibleng makaranas ng rotational brownouts ang ilang lugar sa Luzon at Visayas ngayong hapon. Pinapayuhan ng NGCP ang publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente at inaasahang ipatupad ang Manual Load Dropping kung tataas pa ang demand.