Bumuwelta ang tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Paolo Panelo kay Palace press officer Claire Castro matapos nitong ilarawan bilang “Delusional” ang panawagan para sa pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kinuwestiyon ni Panelo kung personal na alitan lamang nina Duterte at Marcos ang dapat pagtuunan ng pansin, habang binanggit ang mga isyu sa flood control, ekonomiya, halaga ng piso, at voting threshold sa impeachment trial.
Ayon kay Panelo, dapat ding tingnan ang umano’y malaking halaga ng pondong sangkot sa flood control scandal at ang halaga ng perang nabawi na ng gobyerno.
Kinuwestiyon din niya ang kalagayan ng ekonomiya at sinabing bumabagsak ang piso.
Itinaas din ni panelo ang usapin sa voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Duterte, kasunod ng pagtalakay ng senate impeachment court sa kung mananatili ang 16-vote requirement para sa conviction.
Nagbigay ng magkakaibang interpretasyon ang mga retiradong mahistrado ng korte suprema ukol sa paraan ng pagkukuwenta ng two-thirds requirement na nakasaad sa konstitusyon.















