-- Advertisements --

Nadagdagan pa ang mga local government units (LGUs) na nagdeklara ng suspension of classes at pasok sa lokal na pamahalaan dahil sa bagyong Florita lalo na sa bahagi ng Luzon.

Kinansela na rin ang pasok ng mga estudyante sa lahat ng lebel sa Ilocos Norte at Ilocos Sur sa public at private schools batay naman sa anunsiyo ng kanilang gobernador.

Ang naturang mga probinsiya ay nagkansela rin ng pasok sa mga government offices liban lamang sa mga naka-assign sa medical at rescue teams.

Ang mayor sa Dagupan sa Pangasinan, ay nag-utos din ng pagkansela sa lahat ng klase at government offices ngayong araw bunsod ng high tide forecast.

Si Baguio City Mayor Benjie Magalong ay naglabas din ng direktiba sa suspension ng mga klase sa preschool hanggang senior high school sa public at mga private schools.

Wala ring pasok ang mga bata sa pre-school hanggang senior high sa Bontoc, Mountain province at Nueva Vizcaya.

Wala rin namang klase sa lahat ng lebel sa public and private schools sa Camarines Sur hanggang bukas ayon naman kay Gov. Luigi Villafuerte.

Dahil din sa umiiral na signal number 2, wala ring klase sa bahagi ng Cagayan Valley, kasama na ang Tuguegarao City, Cordillera Administrative Region at doon sa Aurora province.

Ang naturang suspension ng classes ay sa kabila na kahapon pa lamang nagbubukas ang face-to-face classes sa buong bansa.

Umabot na sa 28,035,042 ang mga enrolled learners sa public at private schools mula sa nationwide latest data mula sa DepEd.