-- Advertisements --

Ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang driver at rehistradong may-ari ng isang mixer truck na sangkot sa road crash sa Dinalupihan, Bataan noong Agosto 7 upang panagutin ang mga lumalabag sa kaligtasan sa kalsada.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II, isinailalim na rin ang naturang truck under “LTO alarm” upang maiwasan ang anumang transaksyon sa ahensya habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Naglabas din ng show cause order laban sa driver at may-ari upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng parusa, partikular sa aspeto ng pagpapanatili ng road worthiness ng sasakyan.

Sa video ng insidente, makikita ang driver na nagmamaniobra bago tumalon mula sa sasakyan. Tumama ang truck sa ilang nakaparadang sasakyan at isang karinderya bago tuluyang mahulog sa bangin.

Binigyang-diin ni Asec. Mendoza na patunay ang insidente sa kahalagahan ng regular at random inspections sa mga truck, at magsilbing babala ito sa mga may-ari na may pananagutan sa pagpapanatili ng maayos at ligtas na kondisyon ng kanilang mga sasakyan.