-- Advertisements --

Simula bukas, June 22, ay balik kalsada na ang mga modernized jeepneys sa ilalim ng ikalawang phase o yugto ng pagbabalik ng pampublikong transportasyon dito sa Metro Manila.

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), tulad nang sa unang phase,”magiging calibrated in partial” o dahan-dahan ang pagbabalik lansangan ng mga public utility vehicles (PUV) na ito.

Ibig sabihin ngayong Lunes, 15 ruta muna ang bubuksan para sa 308 unit ng modern jeeps.

Sa Martes naman, June 23, ay 165 na karagdagang units ang magbabalik biyahe sa siyam na ruta. Habang sa Miyerkules ay may 10 ruta pa ang bubuksan.

Karamihan sa mga ruta na ‘yan ay sa loob ng Metro Manila. May tatlo namang ruta na papunta at pabalik ng Rizal, Laguna at Cavite.

-- Advertisement --

Sa isang online media forum, ipinaliwanag ni LTFRB chairman Martin Delgra na kahit kasali sa phase 2 ang mga UV express o van ay uunahin muna sa pagbabalik kalsada ang mga modern jeeps.

“The reason why inuna namin yung modernized jeepney, dahil isa features (ng modern jeepney) under modernization program, ito yung tinatawag natin na AFCS (automated fare collection system). Kung saan minandato natin yung mga nagbukas na at nago-operate na modern jeepney.”

“Beep cards is one of the methods (sa pagbabayad). Alam ko mayroon pang iba diyan, even if they don’t have yet those machines kasi nagta-tap ka sa loob ng sasakyan, we are also pushing cashless transaction through other what we call ‘electronic payment systems,’ kagaya ng GCash, PayMaya, SquidPay. Marami yan sila that offers cashless transaction.”

Nilinaw din ni chairman Delgra na hindi pagmamadali sa modernization program ang rason kung bakit prayoridad sa pagbabalik kalsada ang mga modern jeep.

Sa ngayon daw kasi, mas angkop sa sitwasyon ng COVID-19 pandemic ang features ng modernong pampasaherong jeep, tulad ng cashless transaction o pagbabayad.

Posible na sa susunod na linggo o bago matapos ang Hunyo ay papayagan naman daw ng LTFRB na magbalik lansangan ang mga UV express at lumang model ng public utility jeeps (PUJs).

Binigyang diin ni chairman Delgra na walang taas pasahe sa mga jeep sa pagbabalik lansangan ng mga ito.

CITY AND PROVINCIAL BUSES

Sa mga bus naman, wala na raw inaasahan ang ahensya na bagong units ng city buses o mga bus na bumi-biyahe lang sa loob ng Metro Manila na magbabalik kalsada.

Natapos na kasi ng LTFRB ang pagbubukas sa 31 ruta ng city buses sa loob ng unang phase simula June 1 hanggang June 19, para sa tinatayang 4,600 na unit ng bus.

Sa ngayon nilalatag pa raw ng ahensya ang ilang konsiderasyon para sa posibilidad na payagan na ring bumiyahe ang mga provincial buses.

“The challenges and the issues that we need to consider however are among other the following: una, yung preparation ng mga provincial bus operator in addressing health and safety protocols again in line with the guidelines of IATF; pangalawa yung preparation ng integrated terminals na sasalo nitong mga provincial buses; pangatlo, alam naman natin na kapag magbbiyahe itong mga bus na ito, mayroon tayong concern sa mga LGUs kung saan dadaan ang mga bus na ito,” ani Delgra.

Ilan sa binabantayan ng LTFRB na terminal ay yung trasport terminal sa loob ng Philippine Arena complex sa Bulacan; Valenzuela Gateway Terminal; Sta. Rosa Integrated Terminal sa Laguna; at ang PITX sa Paranaque, na ngayon ay may apat na ruta nang operational papuntang Cavite.

Mahigpit naman ang paalala ng ahensya sa mga bus operator na tiyaking nasusunod ang physical distancing at minimum health standard sa mga pasahero, matapos maiulat kamakailan na may ilang pasahero na siksikan sa pagsakay.