-- Advertisements --

Ipinagpatuloy na ang operasyon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) matapos pansamantalang suspendihin kasunod ng tumamang magnitude 4.6 na lindol kaninang tanghali, ngayong Martes, Mayo 27.

Naramdaman ang pagyanig sa ilang parte ng Luzon kabilang na sa Metro Manila.

Dakong alauna ng hapon balik biyahe na ang LRT-1.

Ayon sa Light Rail Manila Corporation (LMRC), ipinatupad ang “stop for safety” mula sa Dr. Santos station ng LRT-1 sa Parañaque City hanggang sa Fernando Poe Jr. station sa Quezon City dakong alas-12:30 ng tanghali.

Nagsagawa din ang personnel ng LRT-1 ng safety checks sa mga istasyon bilang standard protocol para ma-assess ang anumang posibleng epekto ng tumamang lindol.

Base sa ulat mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang episentro ng lindol ay sa General Nakar, Quezon na tumama eksaktong alas-12:17 ng tanghali.

May lalim itong 10 kilometers at tectonic ang pinagmulan ng pagyanig.