NAGA CITY – Sugatan ang isang lolo matapos pagtatagain at magtamo ng tama sa ulo sa bayan ng Ocampo, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Raul Payte, 61, residente ng Brgy. Old Moriones ng nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SSgt. Reimon Joy Paano, imbestigador ng Ocampo MPS sinabi nito na base sa imbestigasyon napag-alaman na habang nakikipag-inuman ang biktima ng bigla na lamang umanong dumating ang suspek na kinilalang si Arnulfo Punto, 57, at pinagtataga nito ang biktima.
Ayon kay Paano, maituturing umanong paghihiganti ang ugat ng nasabing krimen dahil matagal na umanong may alitan ang nasabing mga indibidwal.
Dagdag pa nito, napag-alaman din na noong nakaraang taon ng pagsasaksakin din ng biktima ang suspek.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek habang hinahanda na ang kasong isasampa laban dito.