-- Advertisements --

Maituturing umano na treason o isang kataksilan sa bayan kung hindi itutuloy ang eleksyon sa 2022 dahil lamang sa coronavirus pandemic.

Ito ang mainit na sagot ni Department of Foreign Affairs Sec. Teddy Boy Locsin sa naging suhestyon ni Pampanga Representative Juan Miguel Arroyo sa mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na pag-isipan kung itutuloy pa ang nalalapit na eleksyon.

Ayon kay Locsin kailangang ituloy ang botohan dahil malaking pagbabago pa rin para sa Pilipinas ang maidudulot nito.

Kahit daw 12 tao lamang ang boboto ay mapagdedesisyunan pa rin kung sino ang susunod na magiging pangulo ng bansa.

Sinabi naman ni Comelec chairperson Sheriff Abas na sa ngayon ay hindi nila ikinokonsiderang ipagpaliban ang eleksyon.

Batid aniya na isa itong constitutional mandate at hindi maaaring basta na lamang palitan pero pinag-iisipan na raw ng Comelec na gawing dalawang araw ang botohan para na rin makontrol ang buhos ng tao sa mga voting precincts.