Nagtakda ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng price cap sa bayad ng booking o platform fees sa passenger taxis.
Sa ilalim ng inisyung Memorandum Circular 2026-055, dapat na nasa 20% ng kabuuang inaprubahang rate o P60, alinman ang mas mababa, ang maaaring kolektahin na otorisadong booking o platform fee mula sa mga pasahero ng taxi units sa pamamagitan ng digital o online transport platforms.
Nakasaad sa memorandum na walang karagdagang booking fee, convenience fee, service fee, platform surcharge o kaparehong fee ang dapat singilin nang walang pag-apruba mula sa Board.
Ginawa ang naturang memorandum sa gitna ng mga ulat kaugnay ng fees na sinisingil ng taxi operators na gumagamit ng online platforms para sa booking ng mga pasahero.
Nilinaw naman ni LTFRB chairman Atty. Vigor Mendoza saklaw lamang dito ang taxi units at operators na may digital booking platforms na nagfa-facilitate ng passenger transport services sa pamamagitan ng online o app-based platforms.
Babala naman ng ahensiya na mahaharap sa sanction o parusa ang sinumang operator, platform provider o driver na lalabag sa guidelines.















