-- Advertisements --

Inaasahang magdadala ang southwest monsoon o habagat ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Mindanao at Palawan ngayong Miyerkules, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa tala ng state weather bureau, makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang buong Mindanao, Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, at Palawan dahil sa habagat.

Nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Samantala, maaapektuhan ng trough o buntot ng low pressure area (LPA) ang Bicol Region at Eastern Visayas, na inaasahang makararanas din ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms.

Ibayong pag-iingat dahil sa posibleng pagbaha at landslide sa mga apektadong lugar.

Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon, inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms.