-- Advertisements --

Itinanggi ng Ministry of Foreign Affairs ng China na may kinalaman ang kanilang pamahalaan sa AI-generated video na na inilabas ng state-run media outlet na naglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy habang tinutuligsa ang 2016 Arbitral Award sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Chinese Foreign Ministry spokesperson Lin Jian, wala siyang komento sa naturang video at nilinaw na hindi ito ginagawa ng China.

“About the video you mentioned, this is not an act of the government. I have no comment on that,” pahayag ni Lin Jian.

Gayunpaman, muli niyang iginiit ang matagal nang posisyon ng Beijing na hindi nito kinikilala ang 2016 South China Sea arbitral ruling, na aniya ay ilegal, at walang bisa.

Samantala, nanindigan ang Pilipinas sa bisa ng naturang desisyon, na nagsasabing walang legal na batayan ang malawak na pag-aangkin ng China sa pinag-aagawang karagatan.

Nauna nang hiniling ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa state-run media outlet na alisin ang AI-generated video sa social media.

Inilarawan ng DFA ang video bilang racist, nakakainsulto, at pang-aalipusta sa dignidad ng mga Pilipino.