-- Advertisements --

Inaasahan ng House prosecution na maglalaman ng mahahalagang impormasyon ang testimonya ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag kaugnay ng kabuuang imbestigasyon sa umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang pamilya.

Ayon kay House prosecutor Terry Ridon, hindi niya maaaring ibunyag ang detalye ng inaasahang testimonya dahil mawawala ang epekto ng sinasabing “pasabog.”

“Kung sinabi ko iyon ngayon, hindi na pasabog iyon. So antayin po natin ang testimonya ni Director Matibag,” pahayag ni
Ridon.

Si Matibag ang magsisilbing huling testigo ng prosekusyon sa ilalim ng Article IV ng impeachment complaint, na tumatalakay sa mga pahayag ni Duterte laban sa Pangulo, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez.

Ipinaliwanag ni Ridon na ilalahad ni Matibag ang kabuuang resulta ng imbestigasyon ng NBI, kabilang ang naging papel ng iba pang tanggapan ng ahensya, at hindi lamang ang mga teknikal na natuklasan ng Cybercrime Division na nauna nang ipinresenta ng mga testigong sina NBI Regional Director Jeremy Lotoc at Senior Agent John Mark Calilung.

Aniya, layunin ng testimonya ni Matibag na mabuo ang kabuuang salaysay ng NBI bilang isang institusyon kaugnay ng kaso.