Umapela si Senator-Judge Robin Padilla sa House prosecution panel na huwag maging “one-sided” sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, habang tinatalakay ang kredibilidad ng mga testigong iniharap ng panig ng prosekusyon.
Ginawa ni Padilla ang pahayag matapos ang kanyang pagtatalo kay House lead prosecutor Gerville Luistro hinggil sa kwalipikasyon ng mga saksi ng prosekusyon, kabilang sina National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent Mark Calilung at NBI Regional Director Jeremy Lotoc.
“Sana hindi one-sided ang ating prosecution,” ani Padilla, na naging dahilan upang awatin ni impeachment court presiding officer Senator-Judge Francis “Chiz” Escudero ang reaksyon ng mga nasa loob ng session hall.
Bago ang pahayag na ito, kinuwestiyon ni Padilla ang kredibilidad ni former self-proclaimed Davao Death Squad (DDS) member at dating police officer Arturo Lascañas.
Ani Padilla ang umano’y pabago-bago na mga pahayag ni Lascañas tungkol sa pagkakasangkot ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga extrajudicial killing ay nangangahulugang sinungaling ito.
Ipinaliwanag naman ni Luistro na ang dokumento ni Lascañas ay isinama lamang upang ipakita kung paano isinagawa ng NBI ang imbestigasyon kaugnay ng umano’y pagbabanta ni VP Sara kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nang tanungin naman ni Escudero kung maituturing na hindi mapagkakatiwalaang testigo ang isang taong may pabago-bagong testimonya, sumang-ayon si Luistro ngunit nilinaw na hindi ito partikular na tumutukoy kay Lascañas.
Samantala, hiniling ni Padilla sa prosekusyon na iwasang iharap ang mga witness na aniya ay may mga kasong perjury. Tinukoy ng senador sina Lotoc at Calilung.
Tumugon si Luistro na napatunayan na umano ng kanilang panig na walang nakabinbing kaso laban sa mga witnesses ng prosekusyon. Dagdag pa niya, ang conviction ay hindi grounds upang ma-disqualify ang isang testigo maliban na lamang kung ito ay pinal na, may kaukulang parusa at may kinalaman sa moral turpitude.
Dito muling iginiit ni Padilla ang kanyang pahayag na huwag maging “one-sided” ang proseso. Nagkaroon naman ng reaksyon mula sa mga tao sa loob ng bulwagan kaya muling nagpaalala si Escudero na panatilihin ang kaayusan.
“Hindi po sila allowed mag-ingay, korte po ito,” ani Padilla.
Kalaunan, nilinaw ni Padilla na ang kanyang pahayag ay hindi tumutukoy sa pagpabor sa alinmang panig kundi sa pangangailangan ng patas na pagtingin sa buong proseso ng impeachment.
Ipinaliwanag niya na ang kanyang punto ay may kaugnayan sa usapin ng paglahok ng ilang senador sa paglilitis at sa mga naging pahayag tungkol sa posibleng hindi pagsama sa kanila na makaboto sa impeachment court.
Matatandaang tatlong senador ang ‘wala ngayon sa impeachment trial kabilang dito sina Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na hanggang ngayon ay hindi nagpapakita simula ng umalis sa kustodiya ng Senado, Senator Jinggoy Estrada na nahaharap sa kasong plunder kaugnay ng flood control scandal, at si Senator Rodante Marcoleta na iniulat ding nahaharap sa kasong plunder na parehong nakapiit sa Quezon City Jail.
















