-- Advertisements --

Naglabas ang Senate impeachment court ng bagong subpoena para sa dalawang dating branch manager ng Land Bank of the Philippines na haharap bilang mga testigo sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Miyerkules, Hulyo 29.

Ito’y may kaugnayan sa Article I ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa umano’y maling paggamit ni Duterte ng kabuuang P612.5 million na confidential funds —kabilang ang P500 million mula sa Office of the Vice President at P112.5 million mula sa Department of Education.

Ayon kay House Lead Prosecutor Gerville Luistro, si Constantino ang unang ihaharap bilang witness, na susundan naman ni Camposano.

Nang tanungin ni Defense counsel Mark Vinluan kung higit sa isang testigo ang haharap sa susunod na pagdinig, sinabi ni Escudero na ilalabas ang subpoena para sa parehong testigo upang maging handa ang lahat ng panig.

“Maghahanda tayo para sa dalawang saksi sa araw na iyon,” pahayag ni Escudero sa Defense panel.

Noong Martes, Hulyo 21, binawi ng korte ang naunang subpoena na inilabas para sa dalawang dating kinatawan ng LandBank habang nagpapatuloy ang cross-examination kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag noong Miyerkules, Hulyo 22.

Ipagpapatuloy ang impeachment trial sa Hulyo 29, alas-10 ng umaga, matapos ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 27 at ang nakatakdang “Kontra-SONA” ng mga senador mula sa minorya kinabukasan.