Hindi lahat ng Pilipino ay makatatanggap ng cash assistance sa ilalim ng panukalang Bayanihan 3 Act, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian
Ayon sa senador, maglalaan ang pamahalaan ng P98 billion hanggang P406 billion para sa nasabing panukala na layong tulungan ang mga Pilipinong labis na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis.
Gayunpaman, nilinaw ng senador na pipiliin lamang ang mga makikinabang sa programa, na pangunahing magmumula sa mga sektor na itinuturing na pinaka-bulnerable.
Kabilang dito ang mga magsasaka, mangingisda, at ang tinatawag na “bottom 30 percent” o ang pinakamahihirap na sektor ng lipunan, pati na rin ang sektor ng transportasyon.
Ayon pa kay Gatchalian, inaasahang makatatanggap ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng halagang mula P1,500 hanggang P3,000 o P4,000, depende sa kanilang kinikita.
Samantala, inihain naman ni Sen. Loren Legarda ang panukalang Bayanihan Power to the People Act o Bayanihan 3, na naglalayong maglatag ng konkretong hakbang ng pamahalaan upang matugunan ang epekto ng pandaigdigang krisis sa langis sa mga kabahayan at sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Legarda, bagama’t naglabas na ng Executive Order No. 110 na nagdedeklara ng national energy emergency, kulang pa rin ito sa agarang tulong para sa mga Pilipino.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na may tatlong pangunahing bahagi ang panukala. Una, ang pagtukoy sa pagmumulan ng pondo, kabilang ang posibleng realokasyon ng savings ng pamahalaan, katulad ng ginawa noong panahon ng pandemya.
Ikalawa, ang tinatawag na “pump priming” o paghahanda ng pondo sakaling humina ang ekonomiya o magkaroon ng stagflation at ikatlo, ang pagbibigay ng subsidiya o direktang tulong sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Dagdag pa ng senador, pinag-aaralan din ang posibilidad ng pagbibigay ng karagdagang relief tulad ng pansamantalang moratorium sa pagbabayad ng mga obligasyon sa mga ahensya gaya ng Social Security System at Government Service Insurance System, pati na rin sa iba pang government financial institutions.
















