IMG 54f1cd2afde9429e1621e08e48080bdd V

Hinatulang guilty ng korte sa Angeles City sa Pampanga ang banyagang sangkot sa pag-produce at pagpapakalat ng chid sexual exploitation materials dito sa Pilipinas.

Ayon kay Judge Irineo P. Pangilinan, Jr., Presiding Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 58 sa Angeles City, guilty si David Timothy Deakin ng Qualified Trafficking in Persons. 

Hinatulan ang suspek na makulong ng habang buhay at pinagmumulta rin ng P2 million. 

Si Deakin ay naaresto noong 2017 ng National Bureau of Investigation (NBI)-Anti-Human Trafficking Division (AHTRAD) at Federal Bureau of Investigation (FBI).

Una rito, lumabas sa mga report na minaltrato nito ang ilang mga menor de edad sa pamamagitan nang sapilitang pagsangkot sa mga ito sa cybersex shows para sa kanyang mga foreign customers. 

Nang ito ay maaresto, na-rescue ang dalawang minors na edad siyam at 11-anyos.

Narekober din sa suspek ang mga computers at devices sa production at distribution ng child sexual exploitation materials.

Dalawang taon matapos itong arestuhin ay nagbaba na ang Angeles Court ng sintensiya dahil sa paglabag ng banyaga sa Section 4(a) na may kaugnayan sa Sections 3 (a)(j), 6(c) at 10(c) ng Republic Act (R.A.) No. 9208.

Ang kanyang conviction sa kasong trafficking in persons ay isinagawa sa pamamagitan ng videoconferencing.