-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Mistulang dagat na ang ilang lugar sa Isabela dahil sa pag-apaw ng mga ilog at sapa dulot ng magdamag na malakas na pag-ulan dahil sa bagyong Ulysses.

Libu-libong residente ang inilikas sa mga bayan ng San Mariano, Cauayan City, Santiago City, City of Ilagan, San Mateo, Benito Soliven, San Guillermo at Tumauini dahil sa pagbaha.

Mahigit 10 overflow bridges ang hindi madaanan dahil sa mistulang dagat na ang mga ilog.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Liga ng mga Barangay President Eduardo Viernes na libong individual na ang inilikas sa mga binahang barangay sa bayan ng San Mariano.

Sa barangay Dipuso, San Mariano ay isang bahay ang tinangay ng malakas na agos ng tubig at may tao na nakakapit sa tuktok ng bahay ngunit nakaligtas.

Sa lalawigan ng Quirino ay hindi na madaanan ang lahat ng overflow bridges at nagkaroon ng landslide sa ilang bayan.

Inilikas ang daan-daang individual sa Maddela, Quirino dahil sa pagbaha.

Sa Nueva Vizcaya ay daan-daang residente rin ang inilikas sa mga binahang barangay sa Aritao, Bambang, Dupax del Norte, Quezon at Solano.

Maraming bayan sa Nueva Vizcaya ang walang koryente dahil sa epekto ng bagyo.