Libu-libong mga tao sa Denmark at Greenland ang nagprotesta upang tutulan ang panukala ni U.S. President Donald Trump na bilhin ang Greenland sa Denmark, at igiit na dapat ang Arctic territory mismo ang magpasya sa kinabukasan nito.
Sa Copenhagen, nagmartsa ang mga demonstrador patungo sa US embassy, habang isinisigaw ang “Greenland is not for sale” at may dala-dalang mga banner na “No means No” at “Hands off Greenland”, kasama ang pulang-puting watawat ng Greenland.
May ilan ring nagsuot ng pulang baseball caps na kahawig ng “Make America Great Again” ni Trump, ngunit may nakasulat na “Make America Go Away.”
Tinatayang mahigit 20,000 katao ang dumalo sa protesta sa Copenhagen halos katumbas ng populasyon ng kabisera ng Greenland na Nuuk habang naganap ang mas maliliit na bilang ng mga nag-protesta sa iba pang bahagi ng Denmark.
Sa Nuuk, daan-daang demonstrador, kabilang si Prime Minister Jens-Frederik Nielsen, ang nagmartsa patungo sa US consulate, hawak ang mga watawat at banner.
Matatandaan na sinabi ni Trump na mahalaga ang Greenland sa seguridad ng US dahil sa estratehikong lokasyon at yamang-mineral nito, at hindi isinantabi ang posibilidad ng paggamit ng military force upang makuha ito.
Nagdulot naman ng diplomatic crisis sa pagitan ng US at Denmark ang naging pahayag ni Trump kung saan kinondena ng NATO.
Ang Greenland, ay may populasyong 57,000, ay may malaking autonomy simula pa noong 1979 ngunit nananatiling nasa ilalim ng kontrol ng Denmark pagdating sa defense at foreign policy.
Humigit-kumulang 17,000 Greenlanders ang nakatira sa Denmark, at lahat ng limang partido sa Greenland parliament ay pabor sa pagkakaroon ng kalayaan sa hinaharap, bagaman mas pinipili muna nilang manatili sa Denmark kaysa umanib sa Amerika.














