Hiniling ngayong araw ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa mga local officials na lalong maging aktibo sa Hunyo 1 kapag nailagay na ang karamihan sa mga lugar sa bansa sa general community quarantine (GCQ) lalo na sa mga lugar na mayroon pa ring mataas na kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa isang statement, sinabi ni Año na kailangang ipatupad ng mga LGU officials ang minimum health standards sa kanilang mga komunidad.
Kabilang na rito ang pagsusuot ng face masks sa mga pampublikong lugar, curfew hour, ang pagmintina ng physical distancing sa mga pamilihan, iba pang pampublikong lugar at ang pagpapatupad ng one-passenger rule sa mga tricycle.
Nais ngayon ni Año na siguruhin ng mga LGUs na hindi magdudulot ng mas maraming covid cases ang mas maluwag na set-up sa ilalim ng GCQ.
Iginiit ni Año na dapat gamitin ng mga LGUs ang kanilang kapangyarihan para magpatupad ng localized lockdowns sa mga critical barangays kapag kinakailangan pero dapat ay mayroong silang koordinasyon sa regional inter-agency task force (IATF).
“Dapat paigtingin ng mga opisyal sa ating mga lokal na pamahalaan mula sa probinsya hanggang sa mga barangay ang kanilang mga ginagawa para masigurong ligtas ang lahat mula sa pagkalat ng sakit dahil nakasalalay sa inyo na mabawasan ang mga kaso ng COVID-19 sa inyong komunidad,” wika ni Año.