-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nag-iwan ng dalawang patay ang pagkahulog ng isang mini-van sa bangin sa bahagi ng Barangay Kablon, Tupi, South Cotabato.

Kinilala ang mga namatay na sina Boy Vinluan, empleyado ng Tourism Office ng Lambayong-local government unit (LGU), at sibilyan na nagngangalang Mila Marquez na umano’y dead on arrival na nang dinala sa hospital.

Lima naman ang sugatan na sina Mamot Tungkay, driver ng sasakyan ng Department of Social Welfare and Development; at mga pasahero na sina Aliakbar Bagundang, Len-len Salinogen at dalawang biktima na hindi pa nakikilala.

Base sa imbestigasyon ng Tupi-Philippine National Police, papunta sana sa isang farm sa Kablon ang empleyado ng LGU-Lambayong para magsagawa ng benchmarking sa pagtanim ng iba’t ibang uri ng bulaklak at halaman.

Ngunit nang pauwi na ang mga ito ay nawalan ng preno ang kanilang sinasakyan kaya nawalan na rin ng kontrol ang driver at naaksidente ang mga ito.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga kapulisan sa aksidente.